Tuesday, April 5, 2016



Panimula ng Pagpaplanong Pinansyal



Ang mga Pilipino ay sadyang masisikap at masisipag. Ito ay ilan lamang sa mga katangiang nangingibabaw sa atin, aminin man natin o hindi. Sa bawat araw na ginawa ng Panginoon, pilit nating bumabangon upang kumayod para matustusan at maitaguyod natin ang mga pangunahing pangangailangan ng ating mga pamilya. Kadalasan pa nga, kahit mga mahihirap na trabaho ay sinusuong natin para lamang kumita at may maiabot sa mga mahal natin sa buhay. Hindi natin iniisip ang mga hirap na nararanasan natin o iniinda ang sakit ng katawan na dulot ng mga ito. Minsan pa nga, kahit mga trabahong hindi naman natin linya o pinag-aralan, pinapatulan natin dahil lang sa kagustuhan nating magkaroon ng trabaho kahit kapalit nito ay kararampot na sahod. Walong oras tayo sa trabaho. Minsan overtime pa. Maswerte na lamang kung sa overtime na iyon ay may ibibigay na bayad.


Hindi natin maikakaila ang katotohanang ito. Ang totoo, halos lahat ng Pilipino ay ganito ang sitwasyon sa kanilang trabaho. Ang sahod ng karamihan sa manggagawang Pilipino ay hindi katumbas ng bulto ng trabahong kanilang ginagawa sa araw-araw. Kung susumahin ang minimum wage na kanilang natatanggap sa bawat araw, kulang pang pambili ng pagkain at pambayad ng matrikula ng anak sa paaralan.Ito ay katotohanang kapag hindi nasolusyunan ay madadala hanggang tumanda ang isang indibidwal. Aminin man natin o hindi, karamihan sa ating mga Pilipino ay tumatanda na walang ipon, walang pension sa pagtanda at walang ari-ariang sapat upang maipamana sa ating mga sususnod na henerasyon.


Nakakalungkot mang isipin, ito ay nangyayari sa buhay nating mga Pilipino. Sa kagustuhan nating may maiuwi sa pamilya, kahit kakarampot lamang ay inuubos natin ang panahon sa kumpanya na ating pinagtratrabahuan. Resulta naman nito ay ang kawalan natin ng sapat na panahon upang gabayan ang ating mga anak sa kanilang paglaki. Minsan, dahil ang magulang ay subsob sa paghahanapbuhay, napapariwara naman ang mga anak na isa na namang sanga ng isang problema.


Ang kaugaliang pagsasakrispisyo para sa pamilya ay isang napakagandang kaugalian nating mga Pilipino na dapat laging isapuso at isagawa. Ngunit kung mayroon namang paraan pa kung saan may oportunidad na itaas ang kita nating pangpinansyal sa legal at makataong paraan na hindi naisasakrispisyo ang ating kalusugan, panahon at pamilya, hindi namang masama na subukan ito.


Sa mga naunang talatang natalakay, ipinapakita ang sitwasyon ng maraming Pilipino sa kanilang trabaho at kinikita. Nais nitong ipahiwatig na marami sa atin talaga ang hindi pa nabubuksan ang kaalamang pang pinansyal kaya hanggang sa panahong ito, marami pa rin ang nabubuhay sa kahirapan. Mayroon nga bang paraan upang masolusyunan ang suliraning ito? May pag-asa pa bang ang bawat indibidwal ay makamtan nya ang katagumpayan sa buhay at marating ang pangarap? May paraan ba na siya ay magkaroon ng kalayaang pangpinansyal sa bawat yugto ng kanyang buhay?


Mayroon. Una, dapat bukas ang isip at puso nating aralin ang mga paraan na dapat nating sa pagkakaroon ng kalayaang pangpinansyal. Makinig sa mga taong nagtagumpay sa aspetong ito. Magbasa ng mga aklat na may kinalaman dito. Ito ay makatutulong sa ating pag-unlad. Pangalawa, dapat alam nating magtabi ng ipon kahit pakonti-konti upang may maiipon at magamit sa mas malalaking proyekto o may gagamitin sa pagsisimula ng isang negosyo sa hinaharap. Ikatlo, dapat alam nating balansehin ang ating tulong sa pagtupad ng personal nating mga pangarap at pangarap ng mga mahal natin sa buhay. Kailangan alam natin ang limitasyon ng pagbibigay natin ng tulong sa mga mahal natin sa buhay. Hindi masama ang pagtulong ngunit kailangan mayroon pa ring maisantabi para sa sarili para sa bandang huli, kung may mangyari man, mayroon tayo ng huhugutin na gagamitin. Ikaapat, kailangan dapat mayroon tayong matibay na planong pangpinansyal. Ibig sabihin, inaalam nating mabuti ang mga mahahalagang bagay kung saan ilalaan ang pera natin. Ito ung sinasabing pag-uuna sa mga mahahalagang bagay bago ang mga bagay na wala naman talagang kabuluhan. Ikalima, dapat laging unahin ang Panginoon kahit sa pangpinansyal na aspeto ng ating buhay. Sa paraang ito, tyo ay pagpapalain ng Diyos.


Ang simula ng kaalamang pang pinansyal ay hindi mahirap makamtan. Kailangan lamang dito ang malakas na determinasyon at desisyon sa pag-aaral nito. Pagkatapos, isagawa ang mga kailangang gawin na base sa isang maayos na sistema ng paghahawak ng personal na kayamanan o pinanses. Laging isaisip na ito ay habang buhay na proseso at araw-araw na iniingatang inaaral at isinasagawa.

1 comment:

  1. Special thanks To Ms. Daisy Roque, to my family and friends

    ReplyDelete